Creation Science Information & Links!
Mga Awit 1, 51, 100 & 150
Psalms 1 • 51 • 100 • 150 - in Filipino (Tagalog)
Mga Awit 1

Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.   Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.   At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.   Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.   Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.   Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak. -
 

Mga Awit 51

Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob: ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.   Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.   Sapagka't kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang: at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.   Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin: upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at maging malinis pag humahatol ka.   Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,   Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap; at sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.   Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis: hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.   Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan; upang ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.   Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.   Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios; at magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.   Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; at huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.   Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas: at alalayan ako ng kusang espiritu.   Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga mananalangsang ang iyong mga lakad; at ang mga makasalanan ay mangahihikayat sa iyo.   Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan; at ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.   Oh Panginoon, bukhin mo ang aking mga labi; at ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.   Sapagka't hindi ka nalulugod sa hain; na kung dili ay bibigyan kita: wala kang kaluguran sa handog na susunugin.   Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob: isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.   Gawan mo ng mabuti ang iyong mabuting kasayahan sa Sion: itayo mo ang mga kuta ng Jerusalem.   Kung magkagayo'y malulugod ka sa mga hain ng katuwiran, sa handog na susunugin at sa handog na susunuging buo: kung magkagayo'y mangaghahandog sila ng mga toro sa iyong dambana.
 

Mga Awit 100

Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, kayong lahat na lupain.   Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.   Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya: tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.   Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa kaniyang looban na may pagpupuri: mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.   Sapagka't ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man; at ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi.
 

Mga Awit 150

Purihin ninyo ang Panginoon.  Purihin ninyo ang Dios sa kaniyang santuario: purihin ninyo siya sa langit ng kaniyang kapangyarihan.   Purihin ninyo siya dahil sa kaniyang mga makapangyarihang gawa: purihin ninyo siya ayon sa kaniyang marilag na kadakilaan.   Purihin ninyo siya ng tunog ng pakakak: purihin ninyo siya ng salterio at alpa.   Purihin ninyo siya ng pandereta at sayaw: purihin ninyo siya ng mga panugtog na kawad at ng flauta.   Purihin ninyo siya ng mga matunog na simbalo. Purihin ninyo siya sa pinaka matunog na mga simbalo.   Purihin ng bawa't bagay na may hininga ang Panginoon.  Purihin ninyo ang Panginoon.


Psalms 1 • 51 • 100 • 150
http://www.creationism.org/filipino/saPs1_51_100_tl.htm

Principal:  Tagalog
www.creationism.org